Maunang turukan ang mga ekspersto upang matiyak na ligtas ang bakuna sa publiko, lalo na sa mga kabataan. — Sen. Bong Go

Manila, Philippines – Pabor si Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go na magkaroon ng mass vaccination ng Dengvaxia pero dapat aniyang maunang turukan ang mga ekspersto upang matiyak na ligtas ang bakuna sa publiko, lalo na sa mga kabataan.

“May takot talaga ang mga tao na baka may side effects, so ako, kung magsabi ang expert na 100 percent safe, puwede siguro, pero aking pakiusapan ang experts na kasali sila sa magpapa-inject para wala talagang ikatakot ang publiko.”

Nilinaw ng senador na hindi siya tutol sa kahit na anong uri ng bakuna dahil sa katunayan, naghain siya ng panukala sa Senado na layong mapalawak ang mandatory basic immunization program ng pamahalaan.

“Nag-file ako sa Senado ng Expanded Basic Immunization Program para proteksyon sa iba’t ibang sakit. I encourage the public to avail of the free immunization program.”

Sa kanyang Senate Bill 398 o “Expanding the Coverage of the Mandatory Basic Immunization Program Act of 2019”, nais ng senador na maisama ang iba’t iba pang vaccine-preventable diseases sa kasalukuyang talaan.

Kinabibilangan ito ng rotavirus, Japanese encephalitis, Pneumococcal Conjugate Vaccine (PCV), Human Papilloma Virus (HPV) at iba pang tinukoy ng Department of Health (DOH) batay sa rekomendasyon ng Formulary Executive Council (FEC) at National Immunization Committee (NIC).

Sa ngayon, ang saklaw lang ng programa ay ang bakuna sa tuberculosis, diphtheria, tetanus and pertussis, poliomyelitis, measles, mumps, rubella o German measles, hepatitis-B at H. Influenza type B (HIB).

Bilang tagapangulo ng Senate committee on health, kamakailan sa isang pagdinig ay ipinaksa ng senador ang mga health-related issues, gaya ng national dengue epidemic at ang kontrobersiyal na anti-dengue vaccine Dengvaxia.

Upang malabanan ang dengue aniya, dapat sundin ng publiko ang payo ng mga health care professionals. “Sa ngayon, sundin muna natin ang payo ng doktor.”

Sinabi ng senador na dapat madagdagan ang badyet para sa mga kaso ng dengue at hiniling niya sa mga Malasakit Centers na maglaan ng express lane para sa mga pasyente ng dengue.

“Unang una, dagdagan natin ang budget para sa dengue cases. Sa Malasakit Centers, nakisuyo ako na maglagay sila ng express lane para mabigyan ng priority ang billing ng dengue cases.”

Nasa naturang pagdinig ang mga opisyal ng DOH kung saan ay kanilang inilatag sa harap ng senador ang mga hakbang na ginagawa laban sa dengue.

“Tinanong ko sa kanila, ano bang mga ginagawa nilang hakbang sa ngayon at in-explain po ng undersecretary ng DOH ‘yung mga ginagawa ng DILG (Department of the Interior and Local Government), DOH at NDRRMC (National Disaster Risk Reduction and Management Council) para po sugpuin itong dengue. Ako naman, ang payo ko sa publiko, sundin po natin ang payo ng ating DOH, ‘yung 4S (strategy) sa ngayon. Wala naman tayong mas mabisang gamot sa dengue kung hindi ang sundin ‘yung pagsugpo nito,” ayon sa senador.

“Hinihikayat ko po ang publiko na magpa-bakuna, lalung-lalo na po sa mga bata at wala naman po tayong dapat ikatakot. Mayroon tayong programa ng DOH. Ako willing ako na ipakita sa publiko. Magpapabakuna po ako mismo at even the President before ay willing po magpabakuna para ipakita sa publiko na maayos naman po ‘yung mga vaccine program natin,” dagdag niya.

FULL STORY HERE
Remate
Sen. Go oks sa mass vaccination pero mga eksperto turukan din ng Dengvaxia