Paglusot sa huling pagbasa ng mandatory ROTC sa SHS ikinatuwa ng Palasyo

Labis na ikinatuwa ng Malacañang ang paglusot sa ikatlo at huling pagbasa ng panukalang i-balik ang mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa mga estudyante ng senior high school (SHS).

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, malinaw na hangad ni Pangulong Rodrigo Duterte, na muling ibalik ang ROTC sa mga estudyante, dahil isa aniya itong paraan upang madisiplina ang mga ito.

Matatandaang 167 ang bumoto upang aprubahan ang House Bill No. 8961 o ang Citizen Armed Forces of the Philippine Reservist Act, kung saan layon nito na imulat at isapuso ng mga kabataan ang pagiging makabayan, paggalang sa karapatang pantao, pagsunod sa saligang batas at pagmamahal sa bansa.


Mandatory ROTC kumpiyansang malaki ang maitutulong — PNP

Kumpiyansa ang Philippine National Police (PNP) na malaki ang maitutulong ng mandatory Reserve Officer’s Training Corps (ROTC) sa mga kabataan upang maipagtanggol ang kanilang sarili gayundin ang soberanya ng bansa.

Ito ang inihayag ni PNP Spokesman Col. Bernard Banac, bilang pagsuporta ng pulisya sa pag-apruba ng Kamara sa panukalang batas na nagtatakda ng mandatory ROTC sa grades 11 at 12.

Ayon kay Banac, magandang pagkakataon ang ROTC lalo na sa mga kabataan na nangangarap na mapasama sa hanay ng PNP, gayundin sa AFP.

Kaugnay nito, wala namang nakikitang masama si DepEd Sec. Leonor Briones kung muling isasailalim ang mga estudyante ng senior high school (SHS) sa ROTC.

Aniya, mahalagang maibalik ang ROTC, upang maging handa ang bansa sa anumang posibilidad ng digmaan lalo na’t nahaharap ang Pilipinas sa matinding problema ng terorismo.

Kasabay nito, kumpiyansa naman si Briones na hindi na mauulit ang mga naitalang pang-aabuso dahil sa ROTC.


Pagpasa ng panukalang mandatory ROTC inaasahang magtutuloy-tuloy

Umaasa ang Department of National Defense (DND) na magtutuloy-tuloy na ang pagpasa ng panukalang batas na nagtatakda ng mandatory Reserved Officers’ Training Corps (ROTC).

Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, tiwala siya na aaprubahan ng Senado at lalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang panukalang batas.

Aniya, ang pagbabalik ng ROTC, na ilalaan para sa mga nasa grade 11 at 12 o senior high school ay makatutulong upang mapanatili ang pagmamahal ng mga estudyante sa bayan, at paggalang sa karapatang pantao.

FULL STORY HERE
DWIZ
Paglusot sa huling pagbasa ng mandatory ROTC sa SHS ikinatuwa ng Palasyo