Ramon Ang sa Psalm: Wala kaming P20B na utang

IPINAMUMUKHA ni San Miguel Corp. president Ramon S. Ang sa Department of Finance at Power Sector Assets and Liabilities Mangement Corp. na umabot na sa P289.1 bilyon o $6.19 bilyon ang binayad nila sa pamahalaan para sa Ilijan power facility sa Batangas simula pa nu’ng 2010 hanggang April 2019.

Ang Ilijan ay pinatatakbo ng South Premier Power Corp. na isa sa mga kompanya ng SMC Global Power Corp. ni Ang.

Sabi ni Ang kahapon, walang katotohanan ang kinakalat ng DOF at ng PSALM na umaabot na sa P19.75 bilyon ang utang na ‘di umano’y hindi binabayaran ng SPPC. Dagdag pa ni Ang, kaya nga inihabla ng SPPC ang PSALM dahil hindi nito sinusunod ang kontrata at magulang ang interpretasyon nito sa probisyon ng Ilijan independent power producer administration agreement.

“It is unfortunate that PSALM has to resort again to misinformation while the case is pending in court. While it is inappropriate for us to comment on the issue, we take this matter seriously and we cannot allow damaging statements like this to hurt our reputation and our stakeholders,” sabi ni Ang.

Sa P289.1 bilyong binayad ng San Miguel, P222.4 bilyon ang energy fee at P66.66 bilyon ang capacity fee. Pagkatapos ng kontrata sa 2022, aabot na sa P390.6 bilyon ang mababayaran ng San Miguel sa PSALM. Kung tanging ang capacity fee lang ang titignan, aabot na ito sa $2 bilyon at sapat na ito para bayaran ang power plant sapagkat iyan na ang halaga ng pagpapagawa ng bagong planta.

Sabi pa ng San Miguel, hindi pa kasama sa kwenta ang mga fuel at maintenance at operating cost na binabayaran nitong energy fee sa PSALM.

Ayon kay Ang, umabot na sa P34.75 bilyon ang tiniba ng PSALM sa administration agreement nito sa SPPC.

Sabi pa ng San Miguel, ang lahat ng binabayad nito ay alingsunod lamang sa desisyon ng Energy Regulatory Commission tungkol sa PSA ng Meralco at SPPC para sa Ilijan plant na Disyembre 17, 2012 pa inilabas.

Dagdag pa ng San Miguel, hindi tumutol o umapela ang PSALM sa desisyon na iyon ng ERC.

Kinasuhan ng SPPC ang PSALM para hindi nito basta-basta ibasura ang kanilang kontrata sa Ilijan power plant.

Naghahagilap ng pondo ang administrasyong Duterte para matustusan ang lumalaking gastusin nito. Sa kabila ng pagtaas nito ng buwis sa ilalim ng TRAIN nu’ng isang taon at kali-kaliwang pa­ngungutang ngayong buwan, nais pa ng DOF na dagdagan pa ang mga buwis, partikular na ang buwis sa sigarilyo at alak.

FULL STORY HERE
Abante
Ramon Ang sa Psalm: Wala kaming P20B na utang