Sereno sa Comelec Patunayan niyong ‘di binaboy ang halalan

HINIKAYAT ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang Commission on Elections (Comelec) na maglabas ng resolusyon na naglalaman ng naging aksyon nila sa mga aberya sa halalan noong Mayo 13 upang mapa­kalma ang taumbayan.

Giniit ito ni Sereno dahil hanggang ngayon ay wala pa umanong mahusay na paliwanag ang Comelec hinggil sa reklamo ng mga nasirang vote counting machine (VCM), mga depektibong SD card, 7 oras na glitch sa transmission ng boto at iba pa.

“Ang boses ng COMELEC ang dapat marinig ngayon – na mag-iimbestiga siya at sasagutin ang maraming mga tanong kung ano nga ba ang nangyari sa nakaraang halalan. Hinihintay ng taumbayan ang malinaw na paliwanag kung saan napunta ang bilyon-bilyon nitong pondo para sa halalan, paano nito ginampanan ang kaniyang tungkulin, at ang relasyon nito sa Ehekutibo at sa mga armadong serbisyo. Walang mahusay na paliwanag na naibibigay ang COMELEC sa harap ng maraming reklamo at puna. Nakikita ng mga tao ang malaking puwang – sa pagitan ng kung ano dapat ang nangyari ayon sa batas at kung ano ang kanilang nasaksihan.,” diin ni Sereno sa pinost nito sa kanyang Facebook account.

Tinatayang 961 depektibong VCM at 1,665 SD card ang pina­litan sa araw ng halalan. Sa transmission ng boto sa transparency server noong Lunes nang gabi, natigil ito dakong alas-sais nang gabi at nagpatuloy lamang pasado ala-una nang madaling-araw ng Martes.

“Noong hinuhubog ang sistema ng halalan, sinigurado ba ng COMELEC na hindi ito pwedeng babuyin o paglaruan? Makakatulog ba ng mahimbing ang mga marunong sa IT o information technology ng eleksyon (gaya ng pagsubo ng software sa mga makina, ang pagpapadala ng mga datos, ang pag-iipon ng mga datos, ang mahiwagang mga nawawalang oras na maaring senyales ng manipulasyon o daya­an), pagkat alam nilang hindi mapapasukan ng mga maligno ang sistema o hindi nakaabang ang malawakang pandaraya gamit nitong sistema?

Para mabura ang pagdududa ng maraming Pilipino, binanggit ni Sereno na kailangang makapagpalabas ng resolusyon ang Co­melec bago pa man iproklama ang mga sinasabing nagwagi sa pagka-senador at party-list.

“Minumungkahi ko po na maglabas ang COMELEC ng isang resolusyon kung saan maaaring tutukan ng taumbayan ang mga hakbangin at ang mga deadline nito, kung saan sisiyasatin at sasagutin ng COMELEC ang maraming nakaabang na mga tanong, at panagutan ang mga pagkakamali. Sa gayong paraan maiibsan ang pangamba ng mga mamamayan. Pinakamainam na mailabas ang ganitong resolusyon bago matapos ang national canvassing at bago iproklama ang mga sinasabing nagwagi.” dagdag pa niya.

FULL STORY HERE
Abante
Sereno sa Comelec Patunayan niyong ‘di binaboy ang halalan