Proteksyon ng mamimili laban sa pekeng suka ipinaubaya sa DTI – DOST

Ipinauubaya na ng Department of Science and Technology (DOST) sa Department of Trade and Industry (DTI), Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) ang proteksyon ng mamimili laban sa mga suka na ginamitan ng synthetic acetic acid.

Ayon kay DOST secretary Fortunato de la Peña, nakatakda nilang isumite sa DOH, FDA at DTI ang kanilang report hinggil sa mga suka na isinailalim nila sa pagsusuri.

Muling tumanggi si Peña na banggitin ang brand ng mga sinuri nilang suka subalit nauna na nilang natuklasan na walo (8) sa sampung (10) suka na ibinebenta sa bansa ang ginamitan lamang ng acetic acid na synthetic o peke.

Gayunman, ipinaliwanag ni Peña na maging ang dalawang brands na pumasa ang sample sa kanila ay nagkakaroon ng pagkakataon na hindi sila nakakasunod sa regulasyon ng tamang paggawa ng suka.

Sinabi ni Peña na kapag mataas ang demand, hindi na isinasalang sa fermentation ang suka at sa halip ay dinadagdagan na lamang ito ng acetic acid para umasim.


Imbestigasyon ng DOH, umuusad na

Umuusad na ang imbestigasyon sa nabunyag na walo (8) sa sampung (10) brands ng suka sa bansa ang ginamitan ng synthetic acetic acid o mga pekeng ingredients.

Ayon ito kay Health undersecretary Eric Domingo na sya ring officer-in-charge ng Food and Drug Administration (FDA).

Gayunman, sinabi ni Domingo na ang imbestigasyon ay bunga ng mislabeling o  kabiguan ng mga manufacturers na ilagay sa label ang acetic acid bilang isa sa mga sangkap ng produkto nilang suka.

Una nang sinabi ni Domingo na wala silang alam na masamang epekto ng acetic acid subalit hindi ito dapat maging sangkap ng pagkain.


DOH, pinawi ang pangamba ng mga mamimili

Pinawi ng Department of Health (DOH) ang pangamba hinggil sa natuklasang paggamit ng synthetic acetic acid sa ilang brand ng suka.

Ayon kay Health undersecretary Eric Domingo na sya ring officer-in-charge ng Food and Drug Administration (FDA), wala syang nalalamang masamang epekto ng acetic acid sa katawan ng tao.

Gayunman, sinabi ni Domingo na hindi ito dapat ginagamit na sangkap sa  pagkain o sangkap sa pagkain.

Mas malaking isyu anya dito ang mislabelling na ginawa ng mga manufacturer ng suka dahil hindi nila idineklara ang tunay na sangkap ng kanilang produkto.

FULL STORY HERE
DWIZ
Proteksyon ng mamimili laban sa pekeng suka ipinaubaya sa DTI – DOST