Bato naghamon ng IQ test

HINAMON ni dating PNP chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang kanyang mga kritiko sa isang IQ test matapos siyang batikusin sa pahayag na sasabak muna siya ng seminar bago magbukas ang sesyon ng Senado ngayong Hulyo.

“Ang katalinuhan ng tao doon ‘yan nasusukat sa IQ test. ‘Yung tumutuligsa sa akin na ako’y bobo, sabay tayo, mag-exam tayo ng IQ test kung sino mas mataas sa atin ang IQ,” diin ni Dela Rosa.

Bagama’t nagtapos sa Philippine Military Academy at holder ng master’s degree in public administration at may doctorate pa sa deve­lopment administration mula sa University of Southern Philippines, i­namin ni dela Rosa na kulang pa rin ang kanyang kaalaman kaya’t handa siyang dagdagan ang kanyang karunungan.

“If you stop learning, you’ll stop growing,” paliwanag ng dating PNP at Bucor chief.

Binanggit pa ni Dela Rosa na ang katalinuhan ng isang tao ay hindi nakukuha sa galing ng pagsalita ng wikang Ingles o sa pakikipagdebate at pagbibigay ng talumpati.

Inaasahan na ang panalo ni Dela Rosa bilang senador matapos makakuha ng 18,763,572 boto mula sa 98.09 percent ng election returns as of 11:10 ng umaga nitong Sabado.

Kasabay nito, nilinaw din ni Dela Rosa na hindi siya nagbigay ng maraming pangako para lamang iboto ng taumbayan.

“Ang sabi ko gagawin ko ‘yan… hindi promise ‘yan, gagawin ko,” diin pa niya.

Patutunayan umano niya na karapat-dapat siyang magtrabaho sa Senado.

FULL STORY HERE
Abante
Bato naghamon ng IQ test