Mga pekeng suka alisin sa merkado — Piñol

Hangga’t hindi pa nasusuri ng Food and Drug Administration ang mga pekeng suka na gumagamit ng synthetic acetic acid, nais ni Agriculture Secretary Manny Piñol na tanggalin muna sa merkado ang mga ito.

Hanggang hindi pa nakikilala ang mga suka na gumagamit ng synthetic acetic acid na maaring nakakasama sa kalusugan, pinapayuhan ni Piñol ang mga consumers na suriing mabuti ang mga sukang kanilang binibili. Dagdag pa niya, ang mga natural na suka ay yaong gawa sa coconut sap at tubig, sugarcane, nipa, at iba pang mga prutas na nasa merkado.

Sa kanyang pahayag sa Facebook, sinabi ni Piñol kahapon na “The position of the DA Secretary on the controversy is that pending the validation by the FDA of the study conducted by the PNRI, a market advisory should be issued and the brands using Acetic Acid must be pulled out of the market.”

Lumabas kamakailan ang pag-aaral ng Philippine Nuclear Research Institute na 15 sa 17 brands ng commercial o mga sikat na suka ang gawa sa synthetic acid, isang petrochemical by product na raw material sa paggawa ng vinyl.

Hindi pinangalanan ng PNRI ang mga brands ng suka ngunit hinihingi ito ni Piñol para maipasa niya ang listahan sa Department of Health (DOH).

Humihiling si Piñol ng isang multi-agency meeting para pag-usapan ang ulat tungkol sa mga pekeng suka matapos lumabas ang pag-aaral ng PNRI na napapasailalim sa Department of Science and Technology.

Nais ni Piñol isama sa meeting ang DOST, DOH, at Department of Trade and Industry (DTI). Mandato ng DTI ang magbantay sa mga produktong binebenta sa merkado.

Nagtataka naman ang mga netizen kung bakit hindi pinangalanan ang mga tinuturing na pekeng suka.

Sabi ni Gigi Man­silungan-Nero sa isang Facebook post, “maawa kayo sa mga tao, bakit hindi ninyo pangalanan kung anong brand para makaiwas sa pagbili. Parang pinoprotektahan ninyo pa. Wag na ka­yong magbalita pag ganoon.”

Sabi pa ng netizen na si Rene Acantilado sa isang Facebook post, “identify these products. Otherwise we believe it is a propaganda to scare and collect?”

FULL STORY HERE
Abante
Mga pekeng suka alisin sa merkado — Piñol