Liberal Party humirit sa Comelec: Report ng mga aberya ilabas!

Naghain ng manifestation sa Commission on Elections (Comelec) ang Liberal Party (LP) para hilinging ilabas ang mga mahahalagang detalye at impormasyon tungkol sa 961 na depektibong mga VCM at 1,665 na corrupted SD cards na ginamit sa nakaraang halalan noong Mayo 13.

“Ilang boto ito, saang presinto at bayan o lalawigan ito, ano ang status ng mga ito at iba pa,” giit ni Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan, presidente ng LP.

Hinihiling din ng partido ang full technical report sa pitong oras na ‘technical glitch’ at isang independent na pagimbestiga sa isyu gayundin ang audit at systems log ng transparency server.

“Ang lahat ng impormasyon na ito ay mahalaga upang malaman natin ang puno’t dulo ng naging proseso ng halalalan at makikita kung katanggap-tanggap ba ito o hindi,” diin ni Pangilinan.

Inihayag pa ni Pangilinan na nagpulong ang kanilang mga abogado at mga IT expert upang paghandaan ang mas malalim na pag-unawa sa mga pangyayari sa sistema ng automated na halalan at patuloy ang pakikipag-usap at koordinasyon.

“Nangyari ang lahat ng ito sa kabila ng alegasyon at usap-usapan ng paggamit ng administrasyon ng buong makinarya ng gobyerno upang impluwensyahan, kundi takutin, umano ang mga lokal na opisyal at botante na iboto ang kanilang kandidato,” diin ng senador.

Hinikayat din nito ang publiko na huwag magpadala sa matinding emosyon o galit ngunit kailangan ding manatiling mapagbantay.

“Tama lang na kwestyunin natin ang mga pangyayari at idiin ang pagpapaliwanag ng Comelec. Maraming katanungan na dapat sagutin ang Comelec. Samantala, patuloy natin nililikom ang mga reports at reklamo sa iba’t ibang lugar na may kinalaman sa naging proseso ng halalan,” dagdag nito.

“Sagrado ang bawat boto. Hinihingi lang natin ang malinaw at katanggap-tanggap na paliwanag sa mga tanong ng mga botante. Bahagi ito ng trabaho ng Comelec,” diin pa nito.

Hindi pa anya tapos ang laban matapos ang halalan dahil sa naging resulta at prose­so ng halalan maliwanag na marami pang kailangan gawin, marami pa tayong pagkilos at pakikibaka na kailangan isulong.

Nakatakdang imbestigahan ng Senado ngayong Hunyo 4 ang mga aberyang nangyari sa katatapos lamang na halalan.

FULL STORY HERE
Abante
LP humirit sa Comelec: Report ng mga aberya ilabas!