780% DAGDAG? Nagbanta pa ang kompanya na kung pupuwersahin silang pagbayarin…

NANINDIGAN ang Manila Water na tumupad sila sa nilalaman ng Clean Water Act at hindi dapat pagbayarin ng multang aabot sa P921 milyon.

Ito ang naging posisyon ng water concessionaire matapos silang pagmultahin ng Supreme Court (SC) sa hindi pagkumpleto ng sewerage project noong 2009 o limang taon pagkatapos maisabatas ang Clean Water Act.

Nagbanta pa ang kompanya na kung pupuwersahin silang pagbayarin ng multa, mapipilitan silang magtaas ng presyo sa tubig na maaring pumalo ng 780% o P26.70 per cubic meter.

Kasunod nito, posibleng lumala din ang trapik sa Metro Manila dahil kaliwa’t kanang paghuhukay sa kalsada ang kanilang gagawin para sa sewerage project.

Paliwanag pa ng Manila Water, sa ilalim ng Section 8 ng Clean Water Act ay inoo­bliga lamang ang Metropolitan Waterworks and Sewarage System (MWSS) at mga private concessionaire Manila Water at Maynilad na mag-interconnect sa tubo ng mga kabahayan, condominium, subdivision at iba pa, sa available sewer line ng mga concessionaire.

Ayon sa Manila Water, pagsapit ng taong 2009 ay nakapagsagawa sila ng 61,000 interconnection mula sa kabuuang 63,000 subscriber sa kanilang sewer trunk. Hindi nila natapos ang trabaho ng interconnection dahil posibilidad na magkaroon ng overloading.

Malinaw aniya na nakasaad sa Section 8 na hindi binabanggit na kumpletuhin ang buong proyekto kundi ang interconnection lamang.

Kung pipilitin ang mga concessionare na tapusin ang proyekto sa loob ng limang taon imbes na sa loob ng 40 taon, ilang daang bilyong piso ang gagastusin ng kompanya dito at magreresulta ito sa pagtaas ng water bill ng mga kostumer ng east zone ng Metro Manila.

Noong Agosto 14, sa botong 14-0 ng SC en banc, pinatawan nila ang Maynilad at Manila Water ng tig-P921 milyong multa dahil sa kabiguan nilang maglagay ng sewage line na paglabag sa Clean Water Act. Pinagmulta din ng SC ang MWSS.

Kinatigan ng SC ang desisyon ng Court of Appeals laban sa MWSS, Manila Water at Maynilad bagama’t P29.4 milyon lamang ang pinataw nilang multa para sa taong 2009.

Nag-ugat ang kaso mula sa direktiba ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) noong 2009 kung saan pinatawan nila ang dalawang water concessionaire dahil sa pagkabigo nilang magkabit ng sewerage treatment facilities sa kanilang teritoryo.

.

.

.

.

.

FULL STORY HERE
Abante
780% Dagdag presyo sa tubig namumuro