“Lumala pa eh…” — Mayor Isko Moreno

NADAKIP sa isinagawang follow-up operation ng Manila Police District Special Mayor’s Reaction Team (MPD-SMaRT) ang isa sa apat na lalaking nangholdap­ ng truck driver sa Road 10, Tondo noong Sabado, Oktubre 5.

Iprinisinta ni Manila City Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang suspek na si Christopher Dumapi alyas ‘Toper’, nasa hustong edad, kahapon nang umaga.

“Akala natin magtitino ang mga lokong ito. Lumala pa eh. Hindi lang sila nangunguha ng materyales sa trak. Pinapasok na ‘yung driver,” ayon kay Domagoso.

Nabatid na isang netizen ang nakakita sa ginawa ng mga holdaper at kinunan ito ng video na nag-viral sa social media.

Nakita sa video na puwersahang binuksan ng apat na kalalakihan ang pinto ng truck na nakahinto dahil sa matinding trapik sa Mel Lopez Boulevard.
Kahit umano marami ang nakakikita ay inakyat ng mga suspek ang driver at saka tinutukan ng patalim.

Kaagad namang nagsagawa ng anti-criminality operation ang tauhan ng MPD SMaRT sa Mel Lopez Boulevard para hanapin ang suspek noong Linggo, Oktubre 6 dahilan para maaresto si Toper na may nakabinbin pa na warrant of arrest sa Manila Regional Trial Court Branch 33.

Kinilala ni Moreno ang tatlo pang suspek na sina Jack Dumapi, Junjun Barola, at Jimwell Jimenez na pinaghahanap na rin ng mga awtoridad.
Pinasalamatan naman ni Moreno ang netizen na kumuha ng video ng panghoholdap.

“Maraming salamat sa iyo. Kung hindi dahil sa’yo, hindi mo inupload, hindi natin mabibigyan ng hustisya ang ginawang pang-aabuso sa driver ng truck,” ayon kay Moreno.

Nanawagan naman si Moreno sa mga kaanak ng iba pang mga suspek na isuko ang mga ito at harapin ang ginawa nilang kawalanghiyaan.

— Juliet de ­Loza-Cudia

.

.

.

.

.

FULL STORY HERE
Abante
Viral na holdaper ng truck driver, kalaboso