GOOD NEWS! Tuna ng Pilipinas, tatangkilikin ng Russia…

Tatlong Memoranda of Understanding (MOU) ang nilagdaan sa pagitan ng Tuna producers sa Pili­pinas at Russian counterparts sa dinaluhang business forum ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kanyang limang araw na pagbisita sa Russia na maghahatid ng malaking oportunidad sa ating 400 million dollar tuna industry.

Ito ang pahayag ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, kung saan kanyang sinabi na nitong nagdaang araw ay isinagawa ang paglagda sa MOU sa pagitan ng Century Pacific Food at Russian partners na Magnit Food Retail Chain at LLC Dalpromryba na sinaksihan ng pangulo kasama ang mga miyembro ng Gabinete na katuwang ng gobyerno sa pagtupad ng kanilang pangako sa tuna produ­cers sa Pilipinas na maghahanap ng bagong merkado gaya ng Russia.

“Napakaproduktibo ang biyahe ng Pangulo, ang kasunduang ito ang isa sa maraming magandang balita na ang makikinabang ay mga nagnenegosyo sa Pilipinas, lalo na yung mga nakabase sa Min­danao,” ayon sa opisyal ng Palasyo.

Ayon kay Nograles, kanyang nakikita na nga­yong 2019 ay aangat ang industriya ng pangisdaan sa Pi­lipinas dahil sa unang anim na buwan ay 1.51% fishe­ries output ang naitala. Kabilang dito ang pitong major species na nahuhuli ng mga Pilipinong mangingisda, apat na major species din ang nakitang lumago ang produksyon gaya ng roundscad, tiger prawn, tilapia, at yellowfin tuna. Ang yellowfin tuna ang naitalang may pinakamalaking paglago na nasa 33.4%

“Bilang isang anak ng Mindanao, aking ikinukonsidera na ang MOUs ay isang malaking panalo hindi lamang sa tuna producers, bagkus sa Mindanao, na rehiyong pinanggagalingan ng 90% na produksiyon ng tuna ating bansa. Ito ang industriyang lilikha ng maraming trabaho at magbibigay ng direktang buwis na aabot sa 400 million US dollars kada taon. Sa General Santos City pa lamang, ang industriyang ito ay nakakapag-empleyo ng 25,000 manggagawa,” pagbibigay diin ng dating mambabatas ng Davao.

Ayon pa sa kalihim, bago pa man tumulak ang official delegation patungong Russia, isa talaga sa prayoridad ng gobyerno na maghanap ng mga oportunidad sa negosyo para sa lumalaking tuna industry ng bansa.

Inihayag din ng kalihim na noong dumalo siya sa 21st National Tuna Congress nitong nakalipas na buwan, humiling ng tulong sa kanya ang mga miyembro ng Soccksargen Federation of Fishing and Allied Industries, Inc. (SFFAII) para makahanap ng export partners para sa kanilang produkto, partikular sa Russia.

“Iyon ang pangunahing agenda ng SFFAII, kung kaya ang kanilang hiling ay agad na naiparating kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Mon Lopez, na sinigurong kasama ito sa mga inis­yatibo sa kalakalan na isinusulong ng Pilipinas,” paliwanag ni Nograles.

Sinabi ni Nograles na inaasahan ng pamahalaan ang buong industriya ng tuna sa Pilipinas, hindi lang ang Century Pacific Food, ang makikinabang sa kalakalang napagkasunduan, na ang “ang pangunahing layunin ay buksan ang pinto upang pumasok ang bago at maaasahang merkado.”

“Sa ngayon, ang Pilipinas ang nangunguna sa pag-export ng Tuna sa ibang bansa gaya ng Spain, Germany at United Kingdom. Kung pagsasamahin, tayo ay nag-e-export ng 171,452 metric tons ng tuna dito sa tatlong merkado kada taon, ang katumbas nito ay $492 million US dollar,” ayon pa kay Nograles.

— Aileen Taliping

.

.

.

.

.

FULL STORY HERE
Abante
Russia bagong market ng ‘Pinas sa tuna