P39 kada Preso?

Manila, Philippines – Sinusuri na ng mga Senador ang Bureau of Corrections kaugnay sa meal allowance ng mga preso matapos mapag-alaman na hindi nila nakukuha ang sapat na pagkain na inihahain sa kanila.

Sa ginagawang Senate hearing sa iregularidad na nagaganap sa BuCor, kinontrata ang catering service owner na si Angeline Bautista na tugunan ng pagkain ang Correctional Institute for Women noong 2018 matapos ang bidding na P39 sa pagkain ng kada preso sa buong araw.

Iginiit ni Sen. Panfilo Lacson na sa ilalim ng 2018 budget, ang mga presong nasa ilalim ng BuCor ay dapat makatanggap ng P60 budget sa pagkain kada araw.

“Bakit papakainin mo ang preso ng P39 kung ang budget na binibigay is P60, at least nung 2018? Saan napunta ang balanse?” saad ni Lacson.

Sinabi rin ni Lacson na ang BuCor ay may P1.029 bilyon noong 2018 para mapakain sa 47,000 inmates.

Nakatanggap umano ng mensahe si BuCor officer-in-charge Melvin Ramon Buenafe na ang budget para sa pagkain ng mga preso ay napupunta sa mga ginagawang event at aktibidad.

Kinokonsidera naman ito ni Lacson bilang technical malversation na sinang-ayunan ng Commission on Audit.

Tumestigo rin umano ang isang inmate ng New Bilibid Prison na si Geoffrey Gamboa tungkol sa mababang kwalidad ng mga pagkaing inihahain sa kanila.

“Sa totoo lang, puro sabaw, walang laman, at walang lasa kaya namamatay ang preso dahil walang bitaminang kinakain,” kwento ni Gamboa. 

Remate News Team|FGDC

.

.

.

.

.

FULL STORY HERE
Remate
P39 kada preso: Mga Senador binusisi, kinwestyon ang meal allowance sa BuCor