Pinuri ng Catholic Bishop ang paninindigan ng isang Supreme Court Associate Justice…

Manila, Philippines – Pinuri ng isang Obispo ang paninindigan ni Supreme Court Associate Justice Jose Reyes Jr. na imoral ang pre-marital sex o pakikipagtalik sa labas ng sakramento ng kasal.

Ayon kay Borongan Bishop Crispin Varquez, ang paggalang sa mga babae ay konkretong pagpapakita ng tunay na pagmamahal.

Sinabi pa ng Obispo na ang pagtatalik ay nakalaan sa mga mag-asawa lamang kaya’t hindi wasto ang premarital sex lalo na sa mga kabataan.

Sa interview ng Judicial Bar Council sa mga naghahangad na maging chief justice ay naitanong ni retired Justice Noel Tijam kay Justice Reyes ang pananaw hinggil sa premarital sex na nakabatay sa panukala ng Indonesia na ipagbawal ang premarital sex sa kanilang bansa.

Nanindigan si Justice Reyes na imoral ang pagtatalik ng babae at lalaki na hindi pa kasal at isang malinaw na paglabag sa moral law.

Kinatigan ni Bishop Varquez ang pahayag ni Justice Reyes na ang pag-iibigan ng lalaki at babae ay kinakailangan ng pagbabasbas sa pamamagitan ng sakramento ng kasal sa pananampalatayang Katoliko.

Sinabi ng Obispo na patuloy ang katesismo ng Simbahan hinggil sa sagradong gawain ng mag-asawa upang higit na maunawaan ang mga katuruan. 

Sa isang mensahe ng Kanyang Kabanalan Francisco sa mga kabataan sa Italya sinabi nitong ang pakikipagtalik ay sagrado at biyaya ng Panginoon sa mag-asawa upang maging katuwang sa paglikha ng buhay at pagpalaganap ng dakilang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. 

Sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2016 karamihan sa mga kabataang edad 15 hanggang 24 na taong gulang ay nakikipagtalik bago pa man maikasal kung saan 35.5 porsyento ay mga lalaki habang 28.7 porsyento naman ang mga babae.

Dahil dito hinimok ni Bishop Varquez ang mamamayan lalo na ang mga magulang na paigtingin ang paggabay sa kabataan upang maiwasan ang mga bagay na hindi nararapat gawin tulad ng premarital.

Hinikayat pa ng Obispo ang bawat mamamayan lalo na ang hindi pa mag-asawa na matutuhang isakripisyo ang mga personal na pangangailangan at hintayin ang wastong panahon para gawin ang sagradong bagay.

Si Justice Reyes ay aktibong kasapi ng Simbahang Katolika bilang Lay Minister sa isang parokya at nagsisilbing Board of Trustees ng Knights of Columbus kaya’t kinilala nito ang malaking ambag ng mga turo ng Simbahan bilang gabay sa paglilingkod sa pamahalaan. 

Jocelyn Tabangcura-Domenden

.

.

.

.

.

FULL STORY HERE
Remate
Paninindigan ni Justice Reyes na imoral ang pre-marital sex, kinatigan ng Obispo